Aking bibitiwan ang kargang bagahe at iikot-ikot sa saliw ng musika na parang isang tunay na malaya. Iindak at kakalimutan ang lahat, huhubarin maging ang huling maskarang mapaglinlang.
Aking dadamahin bawat minuto, bawat segundong “hindi ako”. Pati unipormeng nagpapasindak ay aking itatago at magpapanggap na kagaya rin nila ako. Sa larangan man lang ng “pag-indak” ay magtagpo ang magkapares na sapatos at sabay na lumipad at pumilantik hanggang musika ay sadyang matapos.
Hindi na marahil mahalaga sino ka at sino ako, ano ang nais at saan tutungo. Ang mahalaga ay sabay na umindak abutin man ito ng maghapon.
Sasabay ka ba at magtatanggal din ng huling maskara? Pansamantala nating kalimutan ang ating mga pangalan. Sabay tayong iikot at lilipad magkamali man sa kalagitnaan ng pag-indak.
(Sabi nga ng isang magaling na mentor, “Pursue your passion. Otherwise forever live in regret.” She’s in her late 50s and yet dances like an 18 year old. I wish! Ang mahalaga ay suportado ka ng iyong kapares ano mang passion ang iyong nais balikan).