Silip

silip

Umuwi ako nang bahay na hapong-hapo sa pagod. Alas nueve na ng gabi. Wala pang lutong pang hapunan. Isa pa yang nakakadagdag sa pagod; ang isipin ano ang iluluto ko para sa kanya.

Sinalubong ako ng aming alagang aso. Ang mga kahol lamang niya ang nagsisilbing ingay sa tahimik na 2-bedroom unit ng condominium na tinitirhan naming mag-asawa.  Siguro ay magdadalawang taon na kaming nakatira roon simula ng iregalo iyon sa amin ng mga magulang ng aking asawa sa araw ng kasal namin.  Pero hanggang ngayon ay wala ako ni isang kilalang kapit-bahay.

Naupo ako sa accent chair na nakapwesto patalikod sa balcony.  Isang malamig na hangin ang dumaan sa akin at agad na nagtayuan ang mga balahibo ko. Napukol ang paningin ko sa sliding door sa balcony.

Bakit bukas iyon?

Napakibit-balikat na lamang ako at saka isinara ang sliding door. Marahil ay nakalimutan isara ng aking mister bago siya umalis kanina papuntang opisina.

Dumiretso ako sa kusina at nagbukas ng ref.  Isda na lamang ang iluluto ko para mabilis.

Bumalik ako sa salas at naupo. Dala na rin ng matinding pagod, di ko namalayang ako’y napa-idlip na pala ng nakaupo.

“Pssst…”

Nagulantang ako at napa-upo ng tuwid. Alas nueve y medya na pala. Napansin ko ang aming aso na tahimik na nakaupo sa harap ng guest room.

“Bogart, come here”.

Nilingon lang ako ng aso pero di ito natinag sa kanyang pwesto. Muli, tumitig ito sa pinto ng guest room na bahagyang nakabukas.

Pumikit uli ako. Inaantok talaga ako. Magpadeliver na lang kaya ako sa McDo?

“Psst…”

Napadilat ako. Sino yon?  Parang sa loob lang ng unit nanggagaling ang sitsit. At sa puntong iyon ay naramdaman kong hindi lang ako ang tao sa loob ng aming unit.

“Pssst….”

Bumilis ang takbo ng aking puso at naramdaman ang unti-unting pagtaas ng balahibo ko sa batok. Nagtatakbo ang aso papalayo sa guest room at sa kauna-unahang pagkakataon ay napako ang paningin ko sa madilim na kwarto.

Ayun siya. May nakasilip na lalaki. At nang mapansin niya akong nakatingin sa kanya ay nagtago muli ito sa likod ng pinto.

Tinawag ko ang pangalan ng aking asawa at nagbabakasakaling siya ang lalaking iyon.

“Ikaw ba yan?”

Subalit isang pigil na tawa ang sumagot sa akin. Ahhhh…siya nga. Tinatakot lang ako. Sino pa ba eh dadalawa lang kami sa condo.

“Ikaw ha. Di mo na nga ako sinalubong, tinatakot mo pa ako. Sandali lang ha. Give me thirty minutes and dinner will be served.”

Isang pigil na tawa lamang ang sumagot sa akin. Napatawa ako sa pakana ng asawa ko. Pero ang pinagtatakhan ko ay kung bakit hindi bumababa ang pagtayo ng mga balahibo ko sa batok. Dali-dali akong nagtungo sa kusina at tinanggal sa pagkaka-defrost ang isda.

Pero maya-maya lang ay-

“Pssst….!  Pssst….!  Pssst….!”

Paulit-ulit. Parang tinatawag akong bumalik at silipin siya muli sa madilim na guest room.

Ano bang problema niya?!  Heto nga at minamadali ko na ang pagluluto para makakain na siya. Pero―

“Pssst….!  Pssst….!  Pssst….!”

Sumagot na ako, “Wag ka ngang magulo dyan”.

Pero isang pigil na tawa lang ang sumagot sa akin. Napangiti na ako. Sige na nga. Makikipaglaro na nga ako sa kanya.

Pinunasan ko ang mga kamay ko at bumalik sa tapat ng guest room.  Nakapamaywang pa ako habang sinisita siya.

“Hoy lalaki. Bibilangan kita ng sampu at lumabas ka dyan. Kung hindi, ikaw maghuhugas ng plato.”

Muli, isang pigil na tawa lang na nagmumula sa likod ng pinto ng madilim na kwartong iyon ang sumagot sa akin.

“Isa…!”

May sumagot sa kwarto. “Pssst….!”

“Dalawa…!”

Isang pigil na tawa muli at, “Pssst…!”

“Tatlo!”

“Pssst….!”

Bumugtong-hininga ako. Pero sa totoo lang ay di ko mapigilang mapatawa sa pakana ng asawa ko.

“Apat!”

“Pssst…!”

Narinig kong may kilansing ng mga susi sa labas ng main door. Sino yon?  Binalik ko ang pansin sa guest room. At doon nga sa madilim na kwartong iyon ay sinalubong ako ng dalawang pares ng mga mata. Teka, asawa ko ba yon?

Tumunog ang door knob ng main door.  Sinong may susing darating ng ganung oras gayong…

“Mahal?” tawag ko sa guest room.

Pero walang sumagot sa guest room. Bagkus ang inaasahan kong sagot ay nagmula sa labas ng aming unit.

Walang anu-ano’y bumukas ang main door at bumungad sa akin ang aking asawa.

“Mahal,” lumapit siya sa akin at hinalikan ako sa pisngi. “Anong ginagawa mo at nakatayo ka dyan sa tapat ng guest room?  Namumutla ka ata, parang nakakita ka ng multo.”

Subalit hindi ko siya magawang sagutin. Tila nanigas ako sa pagkakatayo sa tapat ng kwartong iyon.

Wala ng sumisitsit. Wala ng sumisilip. May kasama ako kanina sa loob ng aming unit.

And whoever that is, is definitely not my husband.

Bumilang ako ng tatlo at tinulak ang pinto ng guest room. At bumungad sa akin ang tahimik at madilim na kwarto.

Walang tao.

Kinapa ko ang switch at binuksan ang ilaw.  Walang tao.  Nilibot ko nang maige ang aking mga mata.

Pero walang tao.

 

PHOTO CREDIT: www.colourbox.de/bild/eye-bild-7754862

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s