6750

Siguro nga matindi ang pangangailangan ko at kailangan ko pang mag-overtime ng alas dos ng madaling araw sa opisinag pinapasukan ko.  Wala naman akong anak o ibang taong sinusuportahan para kumayod marino.  Wala lang, trip ko lang talaga.  Malaki kasi take home pay ko tuwing mag oovertime ako.  Masarap yung feeling na makikita mong malaking figures ang iuuwi mo tuwing kinsenas.  Malakas loob kong mag-overtime ng madaling araw kasi akala ko may kasabay ako ng ganung oras.

Sampung minuto bago mag-alas dos nang makarating ako sa building.  Tahimik ang lobby.  Ang scanner sa entrance ng building ay di pa pinagagana.  Although may guard on duty pero andun lang siya sa gilid ng reception desk na umiidlip kaya naman di niya napansin nang pumasok ako.

Tahimik sa hallway.  Wala akong karibal sa pagpasok unlike pag normal na oras na tiyak una-unahan kayo sa elevator.

Pagpindot ko ng “up” button bumukas agad ang pintuan ng elevator.  Mabilis akong nakarating sa floor ng opisina namin nang walang kakeme-keme.  Sa taas ay tahimik ang corridor, pwede kang sumayaw.  Damang-dama mo ang lamig ng centralized aircon ng building.  Although maliwanag ang buong paligid pero pakiramdam mo nasa sementeryo ka.  Nakakabingi ang katahimikan at nakakakilabot ang dampi ng lamig.

“Kuya,” tawag ko sa guard sa reception area para i-surrender ang mga dala kong gamit.

Walang kuyang guard ang lumabas.

“Kuya”, ulit ko.

Marahil naka tatlong tawag ako bago pa lumabas ang pupungaw-pungaw na guard na halatang kagagaling lang sa tulog.

Kinuha niya ang mga gamit ko at inilagay sa locker saka iniabot sa akin ang susi.  Mahigpit kasi ang security sa loob ng opisina namin.  Bawal ang cellphone.  Bawal magdala ng papel or kahit na anong panulat. Bawal usb or any device.  Kahit nga pagkain o maiinom may limitasyon kung ano lang ang pwede mong ipasok.

Pagkatapos nga ay dimiretso na ako sa kwarto namin na kung tawagin ay ‘DC’.  Sa labas ng DC namin ay may naka-assign laging guard 24 hours; shifting na lang sila.

Naalimpungatan ang natutulog na guard paglapit ko.

“Good morning, ma’am.  Aga ninyo ah.”

“Good morning too.  Oo nga eh, matindi pangangailangan,” sabay tawa ko.  “Uy kuya, wag mo akong iwan ha.”

“Yes, ma’am.  Until 4 am duty ko.  By that time nandito na yung karelyebo ko at baka may kasama ka na rin na mag o-OT.”

Bago ka makapasok sa loob ng DC ay kailangan mong i-press ang hinlalaki ng daliri mo sa sensor sa labas ng pinto. Saka lang ito magbubukas once ma-identify ng sensor ang thumbprint mo.

“Welcome!”, sabi ng machine at saka nagbukas ang frosted glass door ng DC.

Pagpasok ko sa loob ay saka ko lamang na-realize na walang ibang tao.  Wala akong ibang kasamahang nag OT nang ganung oras.

Malamig pa sa yelo ang buong paligid.  Napalulon ako.  Pero di na ako pwede umatras kasi nabasa na ang oras nang pagpasok ko.  Per hour kasi ang bayad sa amin.  Bilang din ang oras na lumalabas kami sa opisinang iyon kaya di ka pwedeng magpagalagala sa labas.

Inilibot ko ang mga mata ko.  Sa pinaka malaking DC kasi ako naka-assign ngayon na kayang mag-accommodate ng 80 ka-tao.  Halos triple iyon ng dating DC namin sa babang floor kung saan ako originally naka-assign.  Bukas naman ang lahat ng ilaw.  Pero ang mga hile-hilera ng computers sa bawat desks ay walang katao-tao.  Ewan ko ba pero tila may mga nakaupo sa bawat isa sa kanila na sabay-sabay tumingala sa akin pagkpasok ko.

Pero wala naman talagang tao sa loob.  Ako lang.

Nagkibit-balikat ako.  Feeling ko lang naman yon.  Alanganin kasing oras ang pagpasok ko kaya kung anu-anong pumapasok sa utak ko.

Sa gitnang row ng DC ang assigned desk sa akin.  Malapit iyon sa exit kaya kung may emergency ay mabilis akong makakalabas ng kwarto.  Umupo ako at naglog-in sa aking computer.  Once na maibigay ko sa system ang password at user id ko ay automatic na nitong babasahin ang oras ng trabaho ko.  Ang bayad ng kliyente sa opisina namin ay depende sa oras na tatrabahuin namin base na rin sa log-in system.

2:00 AM.  Sakto.

Syempre di naman talaga ako magsisimula magtrabaho agad.  Gigisingin ko muna ang diwa ko.  Nagtimpla ako ng kape at saka naupo sa desk ko.  Sa incognito ako nagbubukas ng laro online.  Sakto 30 minutes muna ako maglalaro habang inuubos ko ang mainit na kape.

Maya-maya ay pumasok ang janitor.  Nakipagkwentuhan pa ito sa akin.  Bakit daw mag-isa lang ako.  Di daw ba ako natatakot.  May choice ba ako? Meron naman pero mas matindi ang pangangailangan kong kumita nang mas malaki kaya heto’t nagtatyaga akong pumasok nang dis oras ng gabi.

Lumayo siya sa akin at saka nagtuloy ng paglilinis sa DC.  Unti-unti ay naramdaman kong bumibigat ang talukip ng mga mata ko.  Napatingin ako sa halos paubos ng kape.  Extra strong naman itong binili ko pero parang wala ring epekto.

Sige, laro.  Sige, type.  Hayan at pabigat nang pabigat ang mga mata ko…

Isang malakas na balibag ang nagpagising sa akin.

Di ko namalayan na nakaidlip pala ako.  Di kinaya ni extra strong coffee ang kalokohan kong pagpapakapuyat para lamang kumita ng extra.  Nang magising ako ay madilim na ang kwarto.  Ang unang reaksyon ko ay hanapin ang janitor na kanina lamang ay kasakasama ko.

Pero wala na siya.

Ang masama pa niyon ay pinatayan ako ng ilaw sa kwarto at halos ang row ko lang ang iniwan niyang bukas.  Kitang-kita sa dilim ang signage ng “EXIT” sa magkabilang dulo ng DC.

Di bale, kumbinse ko sa sarili, andyan naman si kuyang guard at frosted glass door lang naman ang pagitan namin.  Maririnig naman niya ako sa labas.

Nagsimula na akong magpull-out ng documents sa link para makarami ng trabaho.

Pero ano ito at may biglang nagcomputer sa dulo ng kwarto.  Napahinto ako; pinakinggan nang maige ang pinagmumulan ng ingay.  Nakiramdam.  Ayun siya at meron ngang nagcocomputer sa dulo.

May kasama ako?  Pero di ko narinig na nagnotify ang pinto.  Dapat kasi ay tutunog iyon at magsasalita ng “Thank you,” every time na may papasok sa loob.

Tumindig ako at tumingin sa dulo.  Madilim.  Pero walang tao talaga.  Huminto naman ang nagta-type.  Ah…baka ingay sa aircon?

Umupo uli ako at nagtrabaho.  Pero wala pang isang minuto ay heto’t tumunog na naman ang computer sa dulo ng DC.  Hindi lang iyon pero tila may nagki-click ng mouse at nagbabagsak ng keyboard.

Tumayo uli ako at tumingin sa dulo.  Nawala uli ang ingay.  Napalulon ako at bumilis ang tibok ng puso.  Wala yan, imagination ko lang.  Baka nga…

Pero walang anu-ano’y tumunog muli ang computer.  Gumalaw uli ang mouse.  Binagsak uli ang keyboard.  Deadma ako kahit pakiramdam ko ay pinagpapawisan na ako ng malamig.

Imagination ko lang yan.  Imagination ko lang yan, kumbinse ko sa sarili.

Nang di ko ito pinansin ay mas lalong lumakas ang ingay.  Tila palapit nang palapit ang pinanggagalingan ng ingay.  Para bang lumilipat ito ng row palapit sa akin.

Nanginig ang tuhod ko pero di pa rin ako tumayo.  Once na lumabas ako ng DC ay deducted na iyon sa sasahurin ko.  Pinanindigan ko ang pananatili ko sa loob ng kwartong iyon wag lang mabawasan ang sahod ko.

Pero mas tumindi ang ingay sa loob ng kwarto.  Palapit na nang palapit ito sa akin!  Hanggang sa ang ingay ay nanggagaling na lamang sa likod na computer kung saan ako nakaupo!

Halos mapaiyak ako sa takot.  Tiningnan ko ang oras sa screen ng computer ko.

3:00 am!

Put@*& ina!

Walang anu-ano’y tumayo na ako at kumaripas nang takbo.

Dali-dali kong pineres ang hinlalaki ko sa scanner para makalabas.

“Sorry.  Please try again,” sabi ng machine.

Anak ng…!  Inulit ko.

Sorry.  Please try again.

Ayan ang ingay!  Nararamdaman ko siya sa likod ko.  Nagtataasan ang mga balahibo ko sa batok.

Sorry.  Please try again.

Kalma! Kailangan kong kumalma.  Hindi ako makahinga!

Sorry.  Please try again.

“Kuya!  Kuya!” tawag ko sa guard na nakabantay sa labas ng pinto.  Pero walang kuyang guard ang sumagot.

Sinilip ko sa puwang ng frosted glass door ang guard.  Wala siya!

Sorry.  Please try again.

Putch ayaw i-recognize ang thumbprint ko!  Di ako makalabas.  Ayan na siya sa likod!

At doon nga ay naramdaman kong may malamig na kamay na gumapang sa batok ko pataas sa ulo ko.

KUYAA…!

Yun nga at biglang may animo’y matandang boses ng babae ang bumulong sa kanang tenga ko ng…’Missseeeel…’

KUYAAAAAA…!

Sorry.  Please try again.

Sorry.  Please try again…

Sorry.  Please try again…

 

2 thoughts on “6750

  1. no ba yaaaaan!!! buti na lang umaga na dito ng nabasa ko!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s