Pero Di ko Iyon Sasabihin Sa Kanya

batang yagit Kaliwa’t kanan ang dagundong ng mga tambol.  Bawat sulok ay may mananayaw na dragon.  Makulay at maingay kahit saan pa man ako lumingon.  Iba ang sayang hatid ng okasyon na iyon hindi lamang para sa mga Filipino-Chinese kundi maski sa mga purong Pinoy na nakikiisa sa mga Instik.

Nakipagsiksikan kami sa makipot na kalsada na napuno ng mga taong naka-pula; bata man o matanda, lalaki man o babae, dilaw man o kayumanggi.

Basta, ang sabi ni ama ay kailangan daw makakain kami sa China Town.  Pampabwenas daw para sa mga Instik tuwing Bagong Taon.  Ito ang unang pagkakataon kong sinamahan ang aking ama sa China Town at laking-gulat ko nang makita ko ang nag-uumalong tao sa kalsada.  Ang totoo, ito ang unang pagkakataong sumama ako sa kanya na kami lang dalawa.

Napalingon ako sa kanya at pasimpleng napangiti nang makita ko ang biglaan niyang pagsigla.  Sampung taong gulang siya noon nang lumayas sa kanilang probinsya para makipagsapalaran sa syiudad.  Ang unang sadsad pa niya sa Maynila ay sa China Town kung saan siya napilitang magbanat ng buto sa murang edad.  Natuwa ako para sa kanya.  Ang laki na ng pinagbago ng batang yagit na pagala-gala dati sa lansangan ng Maynila.  Malaki-laki na rin ang inangat ng estado niya sa buhay bunga ng walang humpay niyang pagsusumikap.  Tunay palang malaki ang pangakong kaginhawaan ng magulo’t maruming syiudad  basta’t magsumikap ka lamang.

Pero di ko iyon sasabihin sa kanya.

Huminto kami sa “Delicious” para makakain ng tanghalian.  Paborito ni ama ang kumain dito lalo na ang kanilang asado.  Wag mo na lamang pansinin kung malinis ang kusina basta’t ang importante ay gaganahan ka sa sarap ng pagkain.  Pero nang makarating kami ay wala na kaming mapwestohan dahil siksikan ang mga tao, puno ang bawat mesa, at marami-rami rin ang nakapila at nagdadasal na sana ay bilisang kumain naman ng ibang customer para makaupo naman sila.

“Gutom ka na?” tanong niya sa akin.

“Okay lang po,” sagot ko sa kanya.

Ako pa ang tinanong niya e ako kaya si Miss Okay Lang.  Sa totoo lang ay siya pa nga itong inaalala ko dahil baka di na kayanin ng hapung-hapong katawan ng matanda ang pagod at gutom.  Natuwa naman ako sa pag-aalala niya.

Pero di ko iyon sasabihin sa kanya.

Lumabas kami at naghanap ng ibang authentic Chinese restaurant.  Importante daw makakain kami sa China Town.  Pampaswerte, ika niya.  Sige na nga.  Mapagbigyan lang ang matanda, sige na nga.  Kahit siopao daw pwede na.  E ang kaso, di ako fan ng siopao.  Hanggang ngayon naniniwala pa rin akong si ming ming ang palaman ng puting tinapay.

Sabi niya gusto niyang swertihin ako sa taong ito.  Nalulungkot siya dahil pakiwari niya’y sa aming magkakapatid, ako ang medyo nahihirapan sa buhay.  I deserve more daw.  Di ko maintindihan saan niya nakuha ang ideyang iyon, sino ang nagtsismis, sinong nag-usisa sa pribadong buhay ko.  Napatawa na lamang ako ng malakas.  Sa lahat ng Kristyano, siya ang pinaka maraming pamahiin.  Palibhasa ay sa China Town na siya lumaki kaya lahat ng pamahiin at paniniwala ng mga taga roon ay nagaya niya.  Pero sa loob-loob ko ay natutuwa ako kahit papaano.

Pero di ko iyon sasabihin sa kanya.

May isang kanto kaming nilikuan.  May alam daw siyang masarap na restaurant.  Mas sosyal kesa sa “Delicious”.  Higit sa lahat ay konti lang ang nakakaalam nito kaya’t paniguradong makakaupo kami.  Sinundan ko na lamang siya sa paglalakad.  Di ko alam kung ano ang pangalan ng kantong nilikuan niya.  Basta’t ang natatandaan ko ay iniwan namin ang makapal na bilang ng mga tao sa sentro ng China Town.

“Dito sa banketang ito ako dati natutulog,” ika niya habang tinuturo ang maruming bahaging iyon ng eskinita. “Maglalatag na lang ako ng dyaryo, okay na!”

Nahabag naman ako kay ama.  Lahat ng uri ng pagkakakitaan ay pinasok niya mabuhay lamang sa magulong syudad ng Maynila.  Nandoon din iyong nanirahan siya sa Hospicio de San Jose kasama ng mga madre at nang magbinata ay nag-security guard pa sa pier kung saan niya kailangang makisama sa mga myembro ng Sputnik at Sige-Sige tuwing magnanakaw ang mga ito sa gabi para di siya mabutasan sa tagiliran ng icepick gaya ng kinasapitan ng iba niyang kasamahan.  Nahabag ako pero nanatiling malaki ang paghanga ko kay ama.

Pero di ko iyon sasabihin sa kanya.

“Dati kasi ay nandito ang Manila Times.  Kailangan makakuha agad ako ng dyaryo na ilalako sa kalsada,” dugsong pa niya.

“Ganun?” ang walang kakwenta-kwenta kong tugon. 

As usual, ako si Miss Okay Lang, diba?  Ang babaeng walang pakialam sa mundo.

Pero sa kabila ng walang kaemosyon-emosyon kong sagot, abot hanggang langit ang paghanga ko sa kanya dahil mula sa pagtitinda ng dyaryo sa murang edad na iyon, nakapag-aral siya, nakapagtapos at nairaos niya kaming magkakapatid hanggang sa pare-pareho kaming maging propesyonal sa kanya-kanyang larangan.

Maya-maya nga ay huminto kami sa restaurant na kung tawagin ay “Republic”.  Nataranta ako nang makitang tatlong itim na baboy ramo ang nakatali sa daraanan ko.  Napatalon ako at bumagsak sa nakakadiring kanal.  Busangot ang mukha ko at ayaw ko ng tumuloy.  Hindi ako papasok sa loob ng restaurant na iyan na marumi at mabaho ang paa!

Wag na daw ako maarte, sabi niya.  Ayan ang balde sa gilid.  Maghugas ka ng paa.  Pampaswerte yang baboy ramong iyan.  Dapat nga matuwa pa daw ako.  Di ko alam kung gusto ko bang batukan si ama para tumigil na pero hinayaan ko na lamang ang matanda.  Sa totoo lang ay nakakatuwa siya.  Perstaym naming mag-amang mag-bonding.  Sa lahat kasi ng mga anak niya, ako ang may sariling mundo.  At nakikita ko sa mukha niyang masayang-masaya siya na nagkasama kami.  Ako man ay ganun din.

Pero di ko iyon sasabihin sa kanya.

Sa itaas na palapag ng restaurant kami kumuha ng mesa para daw aircon at masarap kumain.  Hinayaan niya akong umorder kahit anong gusto ko.  Kahit pa iyong pinaka mahal.  Wag nga lang kalilimutan ang asado dahil specialty daw ito ng restaurant.  Gusto niya iyon ipatikim sa akin.  Gusto ni amang magpakabusog ang anak niyang pinaniniwalaan niyang nahihirapan.  Bahala nga siya, wika ko sa sarili.  May sarili akong depinisyon ng paghihirap at malayo iyon sa estadong kinalalagyan ko.

Palibhasa ang gusto ni ama ay magkaroon ako ng marangyang buhay.  Masayang pamilya.  Iyon daw ang pangarap niya sa akin.  Alam nilang nahihirapan ako pero di naman daw ako pala kuwento.  Nais niya akong sumikat dahil malaki ang tiwala niya sa aking kakayahan.  Balang araw ay sisikat ka.  Balang araw ay magkakandarapa ang mga kliyente makuha lamang ang serbisyo moBalang araw ay lalabas ka sa tibi at mapapanood ng marami.  Basta balang araw, sisikat ka.  Ang lakas daw niyang makaramdam.  A good and kind person like me, according to him, deserves more in life.  Pero di niya ako matulungan sa kung ano mang problemang meron ako dahil di naman daw ako pala kuwento.  Masyado daw akong malihim.  May sariling mundo daw ako na bukod tanging ako lamang daw ang maaaring mamasyal.  May kaunting pilat ang kumirot sa kaibuturan ng aking puso.  Mahal ako ni ama.  At ganun din naman ako sa kanya.

Pero di ko iyon sasabihin sa kanya.

Matapos ang aming sobrang late na tanghalian ay tinawag ni ama ang waiter.  Kodakan daw kaming dalawa gamit ang cellphone niya.  Nang kunin ng waiter ang kanyang cellphone ay parang isang avid fan na yumakap siya sa akin.  Napatawa ako sa inasal ni ama.  Sa totoo lang ay na-flatter pa ako.

Pero di ko iyon sasabihin sa kanya.

Sa isip-isip ko ay bigla kong nasabi:

Balang araw ay malalagpasan ko ama ang narating mo.  Balang araw ay mas sisikat at titingalain ako kumpara sa iyo.  Balang araw, hihigitan ko ang mga tagumpay mo.  Dahil kung meron mang isang taong pumukaw at nagtulak sa akin upang maging mas magaling ito ay walang iba kundi ikaw, ama.

Sa likod ng mga batikos at pagpukol ng mga kalaban, ako ang tahimik na mandirigmang lihim na kukupil sa kanila.  Ipagtatanggol kita ng di mo namamalayan, makikipagpatayan hanggang sa huling hibla ng aking hininga.  Lahat ng iyan, ama, lahat iyan ay gagawin ko para maging masaya at magaan ang huling sandaling ilalagi mo sa mundong ibabaw.  Ako ang pasikretong papasan ng mga bagaheng di mo na magagawang pasanin sa iyong mahinang katawan.

Pero di ko iyon sasabihin sa kanya.

Photo credit: http://www.batangyagit.com/batang-kalye/

WRITER’S NOTE: Huwag kang masyadong siryoso. Filler ko lang ito. Tinatamad pa akong mag-isip para sa last part ng Estafa ko e, hehehehe.

13 thoughts on “Pero Di ko Iyon Sasabihin Sa Kanya

  1. i am back cirke again wow ibang klase ang obra mo naiyak ako

  2. its me again cirke i am back…nkakain nko sa binangit mo restaurant…at maganda ang china town…

  3. cirke again i am back… hindi ko sa sabihin ang komento ko…

  4. ako sasabihin ko pero pabulong lang, hehe.

  5. i am back curke…… dko mpgilan bsahin ulit dhil malalim pero dpt sbhin mo na un narrmdamn dhil un ang tma maikli lng ang buhay ntin dpt nssbi ntn un nrrmdmn ntin sa magulang ntin dhil dnmn ikkbbwas ng pag katao ntin nmln nla na icon cla sa buhay ntin cguro ang dpwde sbihin pag nauutot tyo…..

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s