Nginitian Niya Ako

Napadpad ako sa kabilang dako ng mundo na hindi ko kilala.  Inakala kong sa lugar na iyon ko masusumpungan ang katahimikan at kapayapaang umuhaw sa akin.  Isinaisang tabi ko ang nakaraang sumusunod sa yapak ng aking bangungot.  Ang maruming hanging nilalanghap ko sa pang araw-araw ay napalitan doon ng sariwa.  Ang mga nagtataasang gusali ng iniwan kong syudad ay makakapal at naglalakihang mga puno naman ang katapat sa lugar na iyon.  Lubak-lubak man ang kalsada at liblib man ang patutunguhan, alam ko, ito ang kailangan ko.

Nagmasid ako nang maige sa aking kapaligiran at napailing.  Iba’t ibang kulay, iba’t ibang hinahangad, iba’t ibang direksyon ngunit may iisang hangarin ang bawat damdamin; ang manatili’t makipaghalubilo sa kakaibang daigdig na iyon.  Hindi yata ako makakatagal sa ganoong katahimik at liblib na lugar.  Masyadong tago.  Misteryoso ang buhay at tila hindi pwedeng pakialaman.  Hinahanap-hanap ko pa rin ang ingay ng Maynila, ang marumi nitong hangin, ang magulo at mapanganib nitong kapaligiran.  Tatlong araw lamang marahil ang ilalagi ko sa lugar na iyon at babalik na ako ng Maynila.  Sapat na ang ilang araw na iyon na ilagi ko para mapagbigyan ang naghihimutok na damdamin.  Sandali lamang, ika nito.

Alas kwatro ng hapon.  Nakaka-inip!  Wala pa halos isang buong araw ang inilalagi ko sa lugar na iyon, pakiramdam ko ay umabot na ako ng isang taon.  Bumaba ako ng kwarto upang hanapin ang tiya.  Wala.  Marahil ay nasa kabilang bahay at nakikipag kwentuhan na naman doon sa madaldal na Aling Pasing.  Hinanap ko ang Kuya Bert.  Wala rin.  Siguro ay kasama na naman ng mga kabarkada sa kabilang bakod.

Naglakad-lakad ako at nagmasid.  Hmmmm….ganito pala dito.  Maingay minsan.  Magulo din minsan.  At pagkatapos ng parinigan ay kanya-kanyang balik sa kani-kanilang lungga upang lumikha ng kani-kanilang bagong obra.  Nakakatuwa at interesante silang pagmasdam.  Tao din sila gaya ng mga taga syudad.  May damdamin.  Ganito pala ang daigdig sa labas ng Maynila—ang daigdig na bukod-tanging ang mga naninirahan rito lamang ang nakakaalam.  Sa kabila ng lahat ay tila may bato-balaning mapang-akit ang daigdig na iyon na humihila sa akin para manatili at wag na munang umalis.  Dito daw ako nababagay at sa mundong iyon ay hindi ko na kailangang magkunwari at magkaila.

Tatlong pirasong sigarilyo ang naubos ko sa pagmamasid na iyon.  Bakit nga naman hindi.  Nakakapawi rin naman ng damdamin.  Ang problema ko ngayon ay kapag naamoy ako ng tiya.  Sa tanda kong ito ay kayang-kaya pa rin niyang kurutin ako sa singit.

Palubog na ang araw nang ako ay makabalik mula sa aking pangangapit-bahay.  Dumiretso ako sa poso sa likod bahay upang magmumog.  Nakikinita ko na kasi ang hitsura ng tiya kapag naamoy niya akong amoy sigarilyo.

Ngunit napatuon ang paningin ko sa lalaking nagsisibak ng kahoy sa tapat ng isa pang bahay.  Sa wari ko’y di kami nagkakalayo ng edad.  Tiningnan niya ako.  Matagal.  At doon nga ay nakaramdam ako ng kuryente.  Ewan ko ba pero hindi ko magawang tanggalin din ang pagkakatitig ko sa kanya gaya ng pagkakapako ng paningin niya sa akin.  Malayo man siya ng may ilang dipa’y naaaninag ko pa rin ang mga magaganda nitong mata.

Nginitian niya ako.  Hindi siya naghintay ng kapalit subalit iniukol niya ang napakatamis na ngiting iyon para lamang sa akin.  Sino nga bang mag-aakala na kayang pakalmahin ng isang ngiti lamang ang naghihimutok na damdamin?

Sino kaya siya?  Subalit ang pangyayaring iyon ay hindi na muli nasundan.  Mabilis na tumakbo ang oras.  Araw-araw ay lagi akong nagpupunta sa may likod-bahay at nagbabakasakaling makikita ko muli ang lalaking iyon.  Subalit araw-araw ay bigo ako.

Kung gaano kabilis ang pagsikat at paglubog ng araw at paglitaw ng mga bituin at buwan kung gabi ay siya ring bilis nang pagkalma ng aking kalooban na noong araw ng aking pagdating ay nagpupumiglas na kumawala.  Salamat naman at payapa na ang lahat.

Ang lalaking iyon na may pinakamatamis na ngiting nakita ko ang nagsilbing inspirasyon sa uhaw kong kalooban.  Sayang nga lamang at hindi kami nagkakilala.  Ngunit minabuti ko na rin ang magkaganon sa pangambang muli akong masaktan kung sa kanya ako’y mapa-ibig.

Isang gabi ay bigla akong niyakad ni Kuya Bert sa sayawan.  Sumama daw ako at tiyak marami ang makikipag sayaw.  Ipakikilala daw niya ako.  “Daw.”  Sabagay ay wala namang mawawala sa akin.  Isa pa ay ayaw ko rin namang matengga sa bahay ng tiya.  At pagkarating ko nga sa sayawan ay tatlo agad ang aking naging kasayaw.  Sunud-sunod.

Pagkatapos ng ikatlong sayaw ay naupo ako sa tabi ng isang babae.  Tahimik at walang kibo.  Walang kasayaw.  Sa isip-isip ko ay sana sa susunod na sayaw ay may lumapit naman sa kanya.

Ilang minuto rin kaming nakaupo na walang kibuan, walang imikan.  Hanggang sa matanaw ko ang isang lalaki na nakatingin sa aming direksyon.  Noong una’y hindi ko siya maaninagan.  Ngunit nang pagmasdan ko ito at makitang nginingitian niya ako’y biglang bumilis ang kabog ng aking dibdib.

Siya nga!  Siya nga ang lalaking nakita ko sa poso.  Biruin mo nga naman, sinong mag-aakalang dito ko lang sa sayawan siya muling makikita?

Doon ko lamang naramdaman ang panlalamig ng aking katawan.  Para ngayon akong basang sisiw na hindi mapakali sa aking kinauupuan.  Nanatiling nakapako sa akin ang kanyang paningin.  At lalong kumabog ang aking dibdib nang makita kong palapit na siya sa akin.

Aalukin niya ako ng sayaw!  Sigurado ako.  Makikipag sayaw siya sa akin.  Nakakatawa pero, totoo!  Para akong trese anyos na ngayon lamang nakaramdam nang kilig sa katawan.  Ano nga ba ang dapat kong gawin?  Mabango pa ba ako?  Hindi pa ba ako masyadong pawisan?  Hayan na siya at papalapit na sa akin suot ang magandang ngiting ukol lamang para sa akin.  Ayan na siya!  Teka, maganda pa ba…

Lumapit siya at inialok ang kamay sa babaeng katabi ko.  Hindi pala ako ang nginingitian.  Hindi pala ako ang nilapitan.  Ang ngiting iyon ay para pala sa babaeng katabi ko.  At gaya nang mabilis na pagtama nang mabangis na kidlat ay siya ring bilis nang pagbago ng aking nararamdamang kanina’y anong saya.  Nanlumo ako.

Nahihiyang tumayo ang babae at sumama sa lalaki.  Pakiramdam ko ay huminto ang ikot ng mundo.  Ayokong tingnan sila.  Pero para ko nang nakikinita ang mga ngiting iyon ng babaeng kanyang kasayaw.  Siguro’y anong saya niya ngayon.

Sayang.  Ang mga ngiting iyon ay pahiram lamang pala sa akin.  Dahil may tunay pala itong pinaglalaanan.

Hinding-hindi ko kakalimutan ang tagpong iyon na una kaming nagkita kung saan ay nginitian niya ako.

28 thoughts on “Nginitian Niya Ako

  1. ~..sa iyong ngiti… ako’y nahuhumaling… napakagandang kwento… true story ba? hihihi <– chismoso…

  2. malalim pero habamg binabasa nakakakilig

  3. kasi di lahat ng pag kakataon ay pwde tyo kiligin

  4. na antala un barbe doll maganda basahin din

  5. sino ba ang nagpapakilg syo at saan mo hinuhugot ang mga obra mo

    • teka di ako nakahabol dito. figure of speech po karamihan dyan. di nga po love story yan e. pero kung iyan ang na-convey syo, carry lang. cheers! HAHAHA (ang orihinal na istorya ay ginawa ko noong ako ay 1st yr college pa)

  6. alam mo ang obra mo isang gawa ng my pusong manunulat

  7. nakakabuhay ng katawang lupa dahil ang obra mo para sa taong umiibig nasa ngiti palang ulam na

  8. nope pero pandecoco peborit ko

  9. awww! sayang, hindi pala siya ang gusto.

  10. 😉 serendipity?🙂

  11. Sigurado ako malabo ang mga mata nung lalaki…siguradung-sigurado ako!hahahahaha

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s